#AngWikaNiya | PAGNINILAY | Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)


Nalalapit na ang wakas. 

Ito ang nais na iparating sa atin ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Malapit na ang katapusan.

Ngunit kailan?

Mababasa natin sa Ebanghelyo ni San Lucas na hindi direktang sinabi ni Hesus kung kailan ang Wakas. Hindi sya nagbanggit ng eksaktong araw, buwan, taon, o oras. Bagkus, ang kanya lamang binanggit ay ang mga senyales o ang mga maaaring maganap na magbibigay hudyat na narito na ang wakas. 

“Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit." (Lucas 21)

Nagbigay babala rin si Hesus, na ang kanyang mga tagasunod ay darakpin at uusigin, lilitisin at ipapabilanggo, at ipagkakanulo kahit ng sariling pamilya.

Tunay nga na nakakatakot ang pagdating ng wakas.  Ngunit kapatid ko, dapat nga ba na tayo ay matakot sa pagdating na ito ng wakas? 

Marahil marami sa atin ang sasagot ng "OO". Marami sa atin ang magkakaroon ng pagkatakot sapagkat alam natin sa ating mga sarili na marami sa atin ang may ayaw o di kaya'y hindi pa handang humarap sa mga sakuna, digmaan, paguusig at paglilitis.

Marami pa rin sa atin ang natatakot sa kabila ng paniniguro ni Hesus na ang mga tunay na sumasampalataya at nananalig sa Kanya ay hindi dapat na mangamba o matakot. Marami pa rin sa atin ang natatakot, sapagkat alam natin sa ating mga sarili na ang ating pananampalataya at pananalig sa kanya ay minsang may pangamba, may pag-aalinlangan, may pagdududa. 

Mga kapatid, hindi pa huli ang lahat. May pagkakataon pa upang tayo ay magbago at tumalikod sa kasalanan. May pagkakataon pa upang ating mapatunayan sa ating Panginoon na ang ating Pananampalataya sa Kanya ay totoo at walang pag-aalinlangan. May pagkakataon pa upang tayo ay maghanda sa pagharap sa mga magiging hamon sa atin ng pagdating ng wakas. 

Kapatid ko,

Nalalapit na ang wakas.

Ikaw ba'y nakahanda na?

= ngd12112022 =

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

SAN ESTEBAN: Maikling Kwento

#PSEBalita | PRUSISYON SA KAPISTAHAN NI SAN FRANCISCO XAVIER, KAKAIBA SA MGA NAKARAANG PAGDIRIWANG!

MGA PAGBASA | Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal