#AngWikaNiya | PAGNINILAY | Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Noong tayo'y mga bata pa lamang, sa tuwing mawawalan ng kuryente, tayo ay takot na takot, yung kapag nagkaroon na ng kuryente ay tayo ay tuwang-tuwa. Maguunahan pa sa pagpatay sa kandila.
Noon masaya tayo sa liwanag, at natatakot sa kadiliman. Ngunit ngayong tayo'y malalaki na, marami sa atin ang takot na sa Liwanag at natutuwa na sa Dilim.
Takot na tayo sa liwanag, sapagkat ayaw nating makita ng iba ang ating mga kamalian. Nais na natin ang dilim sapagkat dito natin naitatago ang ating mga kasalanan. Ngunit, wala nga bang nakakakita sa atin?
Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, mababasa natin ang pagdating ng Liwanag kay Zaqueo. Sa kanyang pagpupumilit na makita si Hesus sa kabila ng kanyang pagiging makasalanan at maliit, siya ay napansin at nilapitan ng Panginoon upang sabihin na “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.”, na labis na ikinagulat ng marami sapagkat si Zaqueo ay kilalang makasalanan.
Ngunit sa mata ng Panginoon, ating tatandaan, na ang lahat ay pantay-pantay, na maging ang makasalanan ay tanggap ng Panginoon kung handa itong magbago at magbalik-loob.
Mababasa natin kung paanong si Zaqueo ay handang magbigay ng kanyang mga ari-arian sa mga dukha, at magbalik ng bahagi sa kanyang mga dinaya. Sa mga ginawang ito ni Zaqueo, nawika ni Hesus, " “Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito."
Maging katulad din nawa tayo ni Zaqueo, na handang tumanggap sa Liwanag kahit na siya'y napasakop na sa Dilim. Maging handa tayong tanggapin ang Liwanag upang tayo rin ay maging Liwanag ng iba sa Dilim. Huwag sana tayong patuloy na lumayi sa Kanya, bagkus, kahit na tayo'y makasalanan, ay patuloy tayong maniwala at manalig sa Kanya, "Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”
= ngd20221030 =
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento