#AngWikaNiya | PAGNINILAY | Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
“Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”
- Lucas 17:19
Ayon sa 2015 na datos ng Philippine Statistics Authority, nasa 85% ng mga Filipino ay Katoliko. Samantala ayon naman sa SWS Survey noong 2018, ay nasa 41% lamang ng mga Katolikong Filipino ang madalas na nagsisimba kada Linggo. Marami ang nagsasabing sila'y nananampalataya, ngunit kakaunti ang siyang nagbabalik pasasalamat at papuri sa Banal na Misa, ang pinakamahalaga at pinakamataas na uri ng Panalangin sa ating mga Katoliko.
Sa ating Ebanghelyo ngayon, mababasa ang tungkol sa Sampung ketongin na pinagaling ni Hesus. Sa kanyang pagpasok sa nayon, si Hesus ay sinalubong ng Sampung Ketongin na humihiling na sila ay mapagaling. Ngunit ng mapagaling, ay tanging isa na lamang sa Sampu ang bumalik upang ganap na magpuri at magpasalamat kay Hesus.
Madalas, marami sa atin ang nagbabalik lamang sa loob ng Simbahan at nananalangin kapag may hinihiling. Madalas, marami sa atin ang nakakaalala lamang sa Panginoon sa panahong siya ay ating kailangan. At sa tuwing ang ating hinihiling ay mapagbigyan na, ay kakaunti na lamang ang nakakaalala sa Kanya. Karamihan sa atin ay walang ganap na pananampalataya. Ang mayroon lamang ay pananampalatayang hilaw na nananalig lamang hanggat may kailangan, at mawawala kapag napagbigyan.
Pinapaalalahanan tayo ng ating Ebanghelyo ngayon, na bilang mga Kristiyano, bilang mga Katoliko, tayo ay magkaroon ng pananampalatayang ganap at totoo. Pananampalatayang hindi lamang sa tuwing may kailangan, kundi pananampalatayang walang pinipili kahit kailan, kahit saan.
Maging tulad nawa tayo ng nagiisang ketonging nagbalik, nagpuri, at nagpasalamat matapos mapagaling. Buong loob tayong magbalik, magpuri, at magpasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Misa. Maglaan tayo ng kahit isang oras sa isang linggo para sa Diyos. Ipadama natin sa Kanya ang ating pasasalamat, gaya ng biyaya niyang siksik, liglig, at umaapaw.
Sumaatin nawa ang Kapayapaan!
--- ngd09102022 ---
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento