#PSEBalita | PADRE RONIE, NAKAALIS NA

BAGAC, Bataan-----Madaling araw ng Lunes, Nobyembre 23, nang umalis si Rev. Fr. Ronie Durens Gumagay, RCJ, sa Parokya ni San Francisco Xavier at Santo Hannibal Maria di Francia, Barangay Parang, sa bayang ito.

Matatandaang Hunyo ng nakaraang Taon nang dumating si Fr. Ronie sa ating Parokya kasama si Rev. Fr. Tommy Latina, RCJ, para magsilbi bilang mga Parochial-Vicar ng Parokyang nasa ilalim ng pangangalaga ng mga Paring Rogasyonista. 

Ayon sa pahayag ng Kura-Paroko at Superior ng Misyong-Rogate sa Bataan na si Rev. Fr. Ricardo CaperiƱa, RCJ, ilang araw pa lamang ang nakalipas nang dumating ang sulat ukol sa magiging bagong Misyon ni Fr. Ronie. Isinaad din niya na bago magtungo sa Poland si Fr. Ronie ay kinakailangan muna niyang mag-sanay sa Italya ng Anim na Buwan. Dalawang Taon mananatili sa Poland si Fr. Ronie, kung kaya't bago mangibang-bansa ay magbabakasyon muna siya sa Cebu, kung nasaan ang kanyang minamahal na Ina. 

Bago ang kanyang pag-alis sa Parang, ay nagdaos si Fr. Ronie ng kanyang huling Misa bilang Parochial-Vicar noong Linggo, Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, na dinaluhan ng mga Kabataan, bilang siya ay Spiritual Director ng mga pang-Kabataang Organisasyon, ng mga Pamunuan mula sa iba't-ibang organisasyon ng Parokya, at ng mga mananampalataya ng Parokya. Nagkaroon din ng kaunting salu-salo matapos ang Banal na Misa, na nagsilbi na ring "Despedida" Party.

"May tatlong bagay po akong nais sabihin sa inyo ngayong gabing ito. Una, ay Happy New Year po, sapagkat sa susunod na Linggo ay papasok na po tayo sa bagong Taon ng ating Simbahan. Babati na po ako, at baka hindi ko na po kayo mabati sa susunod... Ikalawa, nais ko pong ipaalam na ito na po ang huli kong Misa sa ating Parokya, at ako po ay nagpapasalamat sa inyo... Paalam na sa lupang natutunan ko nang mahalin. Salamat po sa inyong mainit na pagtanggap sa akin... Ikatlo, ay nais ko pong hingiin ang inyong mga Panalangin para sa aking bagong Misyon.", bahagi ng  Mensahe-Pasasalamat ni Fr. Ronie bago ang kanyang huling Pagbabasbas. "'Medyo' malayo man po ang bago kong Misyon, ay naaabot pa naman po ito ng text, at email.", biro pa niya.

"Nakangiti man tayo ngayon at nagpapasalamat kay Fr. Ronie, ay alam kong lahat tayo ay nalulungkot sa kanyang pag-alis. Isama natin siya sa ating mga Panalangin para sa kanyang bagong Misyon. Maraming Salamat Fr. Ronie at naging bahagi ka ng Pamayanang ito, ng Parokya ni San Francisco Xavier at Santo Hannibal Maria di Francia.", pahayag ni Fr. Ricky. (ngd)

Ilang larawan kuha sa Huling Misa ni Fr. Ronie bilang Parochial-Vicar, mula kay Alex Jhoey Adona.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

SAN ESTEBAN: Maikling Kwento

#PSEBalita | PRUSISYON SA KAPISTAHAN NI SAN FRANCISCO XAVIER, KAKAIBA SA MGA NAKARAANG PAGDIRIWANG!

MGA PAGBASA | Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal