Nang marinig ng mga Hudyo ang pagsasalaysay ng mga aral ng Panginoon sa bibig ng isang Kristiyano ay nagngitngit ang kanilang mga puso at nagngalit ang kanilang mga ngipin. “Tingni,” wika ng Kristiyanong ito, “nakikita kong bukas ang mga langit, at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanan ng Diyos.” Naghiyawan nang malakas ang mga Hudyo, tinakpan ang kanilang mga tainga, at sabay-sabay siyang sinunggaban at kinaladkad sa labas ng bayan upang batuhin. Bago siya nalagutan ng hininga, nagdasal ang Kristiyano: “Panginoong Jesus, tanggapin Mo ang aking kaluluwa. Huwag Mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito.” Iyan ang pagkamartir ni SAN ESTEBAN, isa sa pitong diakonong pinili ng mga Apostol, na namatay at naging unang martir noong taong 34 humigit-kumulang. Ang diakono ay katulong ng mga Apostol sa pag-aalaga ng mga maralit at sa pangangaral sa mga tao. Tungkol kay Esteban (pangalang sa Griyego ay nangangahulugang may korona ), ito ang papuri ng...